Nagpaabot ng pasasalamat ang 16-anyos na anak ni Mary Jane Veloso sa pamahalaan ng Indonesia dahil sa wakas daw ay makakauwi na ang kaniyang ina sa Pilipinas bago mag-Pasko.
Sa panayam ng News5 nitong Linggo, Disyembre 15, ibinahagi ni Darren Veloso Candelaria na isang taon at apat na buwan lamang daw siya nang makulong ang kaniyang ina sa Indonesia.
“Nagpapasalamat po ako sa Indonesian government dahil po sa wakas po makakalaya na yung mama ko,” ani Darren.
“Mararanasan ko na pong magkaroon ng nanay,” saad pa niya.
Matatandaang noong Disyembre 6 nang kumpirmahin ng isang opisyal sa Indonesia na makababalik na sa Pilipinas si Veloso bago mag-Pasko.
MAKI-BALITA: Mary Jane Veloso, makakauwi na ng 'Pinas bago mag-Pasko – Indonesian official
Kaugnay nito, ibinahagi ng pamilya ni Veloso nito ring Linggo na hindi na tuloy ang inaasahang huling compassionate visit sa Indonesia dahil babiyahe na raw siya mula sa kaniyang kulungan sa Yogyakarta patungong Jakarta ngayong Linggo upang simulan ang proseso para sa kaniyang pag-transfer sa Pilipinas.
MAKI-BALITA: Pagbisita ng pamilya kay Mary Jane Veloso, hindi natuloy
Taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-ayos, sa Indonesia at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.
Sa kaniyang paglilitis, iginiit ni Veloso na nalinlang lamang daw siya at hindi niya alam na may droga sa loob ng maletang dala-dala niya patungong Indonesia, na mula sa kaniyang recruiter.