Nalunod ang isang lolong may Alzheimer’s Disease matapos umanong mahulog sa creek habang hinahanap ang kanyiang anak na babae sa Antipolo City nitong Miyerkules.
Kinilala ang biktima na si alyas ‘Lolo Ben,’ 74, retiradong security guard at residente ng Amparo Subd., Caloocan City.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police Station, dakong alas-12:00 ng hatinggabi ng Miyerkules nang madiskubre ang masaklap na sinapit ng matanda, sa isang creek sa Sitio Libis, Brgy. San Jose, sa Antipolo City.
Naglalakad umano sa lugar ang isang concerned citizen nang mamataan ang bangkay ng biktima sa mabatong bahagi ng creek kaya’t kaagad na inireport sa mga awtoridad.
Sa imbestigasyon, lumitaw na bago nadiskubreng bangkay, una umanong nakita ng mga residente ang biktima na naglalakad sa lugar at hinahanap umano ang kaniyang anak na babae.
Hinala ng mga tao doon na posibleng nahulog sa creek ang lolo na ikinasawi nito.
Kinumpirma naman ng anak na lalaki ng biktima na ang matanda ay dumaranas na ng Alzheimer's disease.