"Hindi ko magets bakit binabatikos yung mga show na pinanggalingan."
Ibinahagi ng “Tawag ng Tanghalan” (TNT) Season 1 first runner-up na si Sam Mangubat ang kaniyang saloobin sa mga pambabatikos ng ilang netizens sa shows na sinalihan ni Sofronio Vasquez bago manalo sa The Voice USA.
Ang TNT ay isang segment ng noontime show na It's Showtime sa ABS-CBN. Isa itong singing competition na naglalayong ipakita ang talento ng mga Pilipinong mang-aawit mula sa iba't ibang panig ng bansa. Nagbibigay-daan din ito sa mga baguhan at propesyunal na singers na mas makilala at maipakita pa ang husay sa talento ng pagkanta.
Si Sam ay naging 2nd placer ni Noven Belleza—ang naging grand champion sa season 1.
Sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Disyembre 11, 2024, kinuwestyon ni Sam kung bakit binabatikos ang mga singing competitions sa TV sa Pilipinas na pinanggalingan ni Sofronio pagkatapos nitong magwagi sa The Voice USA.
Para kay Sam, nakalipas naman na raw ang nabanggit na singing competition. May text votes na factor din daw ang shows kaya naman maaaring isa ito sa naging dahilan kung bakit hindi nanalo noon si Sofronio sa TNT. Aminado siya na totoong magaling na noon pa man si Sofronio, pero makikitang mas seasoned na raw ang performances ni Sofronio ngayon.
“Hindi ko magets bakit binabatikos yung mga show na pinanggalingan. Tapos na yon e. Baka di niyo alam, may text votes na factor din ang show. Magaling na siya noon, yes. Pero kita naman sa performances niya na mas seasoned na siya this time,” ani Sam
Talagang dahil sa pagkakapanalo ni Sofronio paniguradong proud sa kaniya ang lahat maging ang “It's Showtime” dahil isa raw ito sa kinabilangan niyang show.
"At malamang, proud sa kaniya ang lahat, maging ang It’s Showtime dahil isa to sa kinabilangan niyang show. At Ngayon, oras niya na!!” aniya pa.
Naniniwala si Sam na ngayon na raw ang oras ni Sofronio upang magwagi. Hiling niya na magdiwang na lang daw sana at hindi na raw kailangan pang haluan ng kahit anong negativity.
“Magdiwang na lang po sana tayo ng hindi kailangan haluan ng kahit anong nega.” saad ni Sam
Sa kasalukuyan, wala pang tugon, reaksiyon o komento si Sofronio ukol sa mga paratang ng netizens na credit crabber daw ang It's Showtime matapos niyang manalo sa The Voice USA Season 26.
Samantala, wala rin pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng Showtime at ABS-CBN tungkol dito.
MAKI-BALITA: Niligwak daw sa TNT: ABS-CBN, It's Showtime pinaratangang credit crabber dahil kay Sofronio
MAKI-BALITA: Kilalanin ang Pinoy na si Sofronio Vasquez, The Voice USA Season 26 Winner
MAKI-BALITA: Sofronio Vasquez, wagi sa The Voice USA
Mariah Ang