Matapos ang pagkakapanalo ng Pinoy pride na si Sofronio Vasquez sa "The Voice USA 2024," muling binalikan ng mga netizen ang isang video clip mula sa "Tawag ng Tanghalan" kung saan sinabi sa kaniya ng punong huradong si Original Pilipino Music (OPM) icon Rey Valera na balang-araw ay magtatagumpay siya.
Isang X user ang nanariwa sa mga naging komento ni Rey kay Sofronio noong kalahok pa lamang ito sa nabanggit na singing contest na napapanood sa noontime show na "It's Showtime," sa Huling Tapatan.
"Bringing this back and putting it here for everyone to see kasi nagdilang anghel si sir Rey Valera. Hindi siya nginitian ni ladyluck sa Tawag ng Tanghalan pero siya ang gumawa ng sarili niyang swerte and found his way to The Voice and won. Congratulations Sofronio Vasquez!!!" saad ng netizen.
Nasabi ni Rey na kapag nakakasalubong daw niya si Sofronio ay lagi raw itong walang mga kasama. Naniniwala si Rey na talagang may determinasyon si Sofronio sa kaniyang ginagawa.
"Kung hindi ka man nginitian ng lady luck ngayon, I’m sure dahil ‘yon sa alam niya na ikaw ang gagawa ng sarili mong suwerte at hindi mo siya kailangan because ang ganiyang klaseng tao, you will always find your way," emosyunal na sabi ni Rey kay Sofronio, na ikinaluha naman nito.
Sabi naman ni Vice Ganda, sa lahat daw ng mga nasabi ni Rey bilang punong hurado, ang mga binitiwan niyang salita ang palagay niya ay pinakamaganda.
Ibinahagi naman mismo ni Sofronio ang nabanggit na video clip sa kaniyang Instagram story, kasama ang art card ng pag-anunsyo sa kaniya bilang The Voice USA winner.
MAKI-BALITA: Kilalanin ang Pinoy na si Sofronio Vasquez, The Voice USA Season 26 Winner
MAKI-BALITA: Sofronio Vasquez, wagi sa The Voice USA