January 17, 2025

Home BALITA National

Rep. Abante, muling binira ang 'bashers' ng quad comm

Rep. Abante, muling binira ang 'bashers' ng quad comm
Photo courtesy: House of Representatives/Facebook

Muling binigyang-diin ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante, Jr. ang mga naging “collateral damage” umano sa kasagsagan ng war on drugs noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa pagpapatuloy ng Quad Comm hearing nitong Huwebes, Disyembre 12, 2024, tila may patutsada si Abante sa mga bumabatikos daw sa sa kanilang komite. Kaugnay nito, tila naunang banatan ng mambabatas si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, hinggil sa mga collateral damage daw na ikinatwiran dati ng nasabing senador sa kasagsagan ng “Oplan Tokhang.”

“Ang sabi ng isang senador na nakaupo, na dating PNP Director General, 'collateral damage.' Collateral damage lang ba ang pagpatay? 'Yan ang gusto kong sagutin ng senador na 'yan,” ani Abante. 

Pinuna rin ni Abante ang mga bumabatikos sa komite at muling iginiit kung bakit daw ba may quad comm sa Kamara. 

National

Malacañang, naglabas ng pahayag hinggil sa komento ni Enrile sa INC rally

“Bakit may quad comm? Galit tayo sa masama, na tinutulak ang bansa sa kasamaan. Bakit may quad comm? Galit tayo sa POGO, o anumang sugal na lalong nagpapahirap sa ating bayan at nagpapayaman sa iilan. Galit tayo sa droga na pumapatay sa marami nating kabataan. Galit tayo sa mga human rights violators, ito man ay agents ng pamahalaan o NPAs o  terorista o mga kriminal na naghahasik ng kaguluhan sa ating mahal na bayan,” anang mambabatas.

Tila may gusto ring patamaan si Abante patungkol naman sa pagrespeto raw sa taumbayan at mga namumuno sa bansa. 

“Hindi po tayo terorista. Hindi tayo komunista. Hindi tayo diktatoryal! Tayo ay demokrasya na nagmamahal sa isang malayang bansa. May respeto sa Saligang-Batas at karapatang pantao! Sa mga marangal na public officials lalo na sa taong bayan,” saad ni Abante.