Ipinahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes, Disyembre 12, na layon nilang ilabas sa Enero 2025 ang kanilang rekomendasyon kung dapat bang kasuhan si Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y death threats niya laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa panayam ng Radyo 630, Teleradyo Serbisyo nitong Huwebes, Disyembre 12, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na titingnan na nila ang mga ebidensya umano upang mapagdesisyunan ang kanilang rekomendasyon sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa bise presidente.
“We will now collate all the evidence, all the testimonies ng mga na-interview namin na tao. Iko-collate namin ‘yan at pag-aaralan naming mabuti kung mayroon bang dapat maisampang kaso o wala,” ani Santiago.
“But then, dahil Christmas season, although 'yan ang priority namin, siguro matatapos namin ang deliberation namin ng panel of investigators, maisa-submit namin ang aming final report and recommendation sa DOJ baka first week na ng January,” dagdag niya.
Matatandaang nitong Miyerkules, Disyembre 11, nang hindi dumalo si Duterte sa ikalawang pagkakataon sa pag-imbestiga ng NBI sa kaniyang naging pahayag na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si PBBM, at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
MAKI-BALITA: VP Sara, nahainan na ng subpoena ng NBI
Samantala, nagsagawa ang bise presidente nito ring Miyerkules ng press conference kung saan ipinahayag niyang hindi raw siya nagsisisi sa kaniyang naging pahayag laban sa pangulo, unang ginang at House speaker.
MAKI-BALITA: VP Sara, 'di nagsisi sa 'death threat' niya kina PBBM, FL Liza, Romualdez