Nagbabala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at Internet Gambling Licensee (IGL) bago ang kanselasyon ng lahat ng lisensya ng mga ito sa bansa.
Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, Disyembre 11, iginiit ni Marcos na hindi niya kailanman papayagang manalasa ang POGO at IGL sa bansa at haharap daw sa batas ang sinumang magtangkang gumawa ng ilegal na operasyon.
“Kanselado na ang lahat ng lisensya ng POGO at IGL sa buong bansa!” ani Marcos.
“Hindi na kailanman papayagang manalasa ang mga ito. Sino mang magtangka na magsagawa ng ilegal na operasyon ay haharap sa buong puwersa ng ating batas,” saad pa niya.
Matatandaang inanunsyo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation kamakailan na kanselado na ang lahat ng lisensya ng mga nalalabing POGO sa bansa pagsapit ng Linggo, Disyembre 15, 2024.
Ito ay kasunod ng pagdeklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo na “banned” ang POGOs sa Pilipinas.
MAKI-BALITA: PBBM, idineklara pag-ban ng lahat ng POGO sa PH