January 23, 2025

Home BALITA Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'
Photo courtesy: Pexels

Inihayag ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na tinatayang nasa 150 milyong bata pa raw sa buong mundo ang nananatiling “undocumented” o walang legal birth registrations.

Ayon sa pinakabagong tala ng nasabing ahensya kamakailan, nasa 77% na raw ng mga batang nasa edad lima pababa ang rehistrado na simula nang maipanganak, mas mataas na bilang kumpara umano noong 2019. Sa kabila nito, iginiit ng UNICEF na hindi pa rin daw ito sapat dahil sa pagpalo ng mahigit isang milyong bilang  ng undocumented children.

Sa pahayag ni UNICEF Executive Director Catherine Russell sa media, isinaad niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng legal records ng mga bata upang magkaroon sila ng proteksyon laban sa pang-aabuso.

“Birth registration ensures children are immediately recognized under the law, providing a foundation for protection from harm and exploitation, as well as access to essential services like vaccines, healthcare and education," ani Russell.

Internasyonal

Pinay tourist sa Taiwan, nabangga ng tren habang nagpipicture

Batay sa inilabas na ulat ng UNICEF sa kanilang opisyal na website, nangunguna ang Latin America sa may pinakamaraming documented children na may 95% rate, habang kapuwa 94% naman ang mula sa Eastern at South-Eastern Asia at 78% ang mula Central at Southern Asia. 

Samantala, napag-iwanan naman sa 78% ang sub-Saharan sa Africa na may katumbas daw na 90 milyong mga batang walang legal documents. 

Nanindigan naman si Russell na ang pagkakaroon ng birth certificate at iba pang birth registration para sa mga bata ay isa raw uri ng karapatan.

“Every child has the right to be registered and provided with a birth certificate so that they are recognized, protected, and supported,” anang UNICEF Director.