Patuloy pa rin ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan, shear line at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Disyembre 10.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, Marinduque, Oriental Mindoro, Bulacan, at Aurora.
Inaasahan namang magdudulot ang ITCZ, o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga del Norte at Palawan.
Samantala, malaki ang tsansang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountan Province, at Ifugao.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga lugar dito dahil sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Malaki rin ang tsansang magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region at Central Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).