December 23, 2024

Home SHOWBIZ Teleserye

Jodi Sta. Maria, inaming 'di siya ang first choice sa 'Be Careful with my Heart'

Jodi Sta. Maria, inaming 'di siya ang first choice sa 'Be Careful with my Heart'
Photo courtesy: Screenshot from Maricel Soriano (YT)/ABS-CBN (FB)

Inamin ng tinaguriang "Silent Superstar" at Best Actress in a Leading Role ng Asian Academy Creative Awards 2022 na si Jodi Sta. Maria na hindi pala siya ang unang pinamiliang aktres na gaganap bilang "Maya Dela Rosa" sa iconic na Daytime series na "Be Careful with my Heart" noong 2012.

Iconic ang serye dahil pumatok sa mga manonood ang tambalan nila ni Richard Yap na gumanap naman bilang si "Ser Chief," ang mayamang amo ni Maya, na naging yaya naman ng mga anak nito.

Sa latest vlog ng nanay-nanayan ni Jodi sa showbiz na si Diamond Star Maricel Soriano, inamin ni Jodi na hindi siya ang first choice sa nabanggit na experimental show.

Experimental show daw ang BCWMH dahil unang beses daw na susugal ang ABS-CBN na magkaroon ng teleserye sa umaga, na malayo sa tipikal na mga uri ng palabas bago ang noontime.

Teleserye

Netizens windang sa 'Wish Ko Lang' dahil sa 'ipinagbabawal na bibingka'

Hindi binanggit ni Jodi kung sino ang tinutukoy niyang first choice na gaganap sa lead role, subalit sinabi niyang ang dapat daw na gagawin niya nang mga sandaling iyon ay isang Primetime series.

Pero dahil sa pagkaantala raw ng nabanggit na Primetime series, pumayag na muna si Jodi na gawin ang Be Careful with my Heart habang naghihintay; tutal naman daw, tatlong buwan lang daw dapat o katumbas ng isang season ang itatagal ng nabanggit na serye.

Hindi naman makapaniwala si Jodi na ang tatlong buwan lang na pag-ere ng serye ay aabot pa ng dalawang taon, at nagkaroon pa sila ng concert kaugnay nito, dahil sa mainit na pagtanggap ng mga manonood sa tambalan nila ni Richard.

Nang tanungin kung ano sa tingin niya ang naging susi kung bakit pumatok nang husto ang palabas, sinabi ni Jodi na punumpuno raw kasi ng Filipino values ang serye, lalo na hinggil sa pamilya, bukod pa sa light lang ito dahil wala raw silang kontrabida.

Aminado naman si Jodi na ito raw ang nagbukas ng pinto sa kaniya para magkaroon ng lead roles sa proyekto gaya ng serye at pelikula.