Inaasahang patuloy na makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Disyembre 9, dulot ng northeast monsoon o amihan, shear line, at Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Bicol Region, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Batangas, Laguna, Rizal, Quezon, at Aurora.
Maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms naman ang inaasahang idudulot ng ITCZ, o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, sa Visayas, Mindanao, at Palawan.
Samantala, inaasahang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga lugar dito dahil sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Central Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa localized thunderstorms. Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).