Tahasang sinagot ni Kapamilya actor Daniel Padilla ang ilan sa mga katanungang nag-uugnay sa kaniya sa Padilla family bilang action star.
Sa mediacon na isinagawa kamakailan para sa upcoming TV Series na “Incognito” iginiit ni Daniel na tila kaya niya raw daigin ang kaniyang ama na si Rommel Padilla pagdating sa action series.
“Excited din akong pakita sa erpat ko ‘to. Parang panis siya sa akin dito, Joke lang,” ani Daniel sa media.
Balik-teleserye si Daniel na kabilang sa mga bibida sa action series na “Incognito” na nakatakdang ipalabas sa darating na Enero 2025 kasama ang ilang Kapamilya actor na sina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, Kaila, Estrada, Maris Racal, at Anthony Jennings.
Kaya naman nang tanungin ng media ang 29 taong gulang na Kapamilya actor kung paano niya ipapakita ang kaniyag galing sa action series katulad ng tatay niyang si Rommel at tiyuhin na si Sen. Robin Padilla, sinabi niyang magkakaiba naman daw ang kanilang timpla.
“Iba-iba naman ang timpla namin. Magaling si Tito Robin, mahusay. Ang tatay ko nando’n din. Tignan natin kung ano ang mai-o-offer ko. That’s all,” saad ni Daniel.
Dagdag pa niya, wala rin daw siyang naramdaman na kaba sa pagsalang niya sa sa action series.“Wala naman akong nararamdaman na kaba. Hindi ko alam. I’m just doing my best. Kung ano kalabasan, eh ‘di yun na ‘yun . And I’m proud sa ginagawa naming lahat as a group,” saad ni Daniel.
Ito ang muling pagbabalik ni Daniel sa teleserye matapos ang huli niyang pagganapa sa “2 Good To Be True” noong 2022 kasama ang long term ex-girlfriend na si Kathryn Bernardo.