Nabulabog ang online world matapos isiwalat ni Jam Villanueva ang kaniyang mensahe at screenshots ng "landian" na pag-uusap ng kaniyang ex-boyfriend na si Anthony Jennings at katambal nitong si Maris Racal, na naging dahilan daw ng kanilang hiwalayan.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagsalita na si Anthony patungkol sa kumpirmasyon ng kanilang break-up ni Jam, at dito ay inamin ng aktor ang kaniyang pagkukulang sa ex-jowa; samantala, nilinaw naman niyang walang namamagitan sa kanilang dalawa ni Maris at magkaibigan lamang.
MAKI-BALITA: Anthony umaming hiwalay na sa jowa, may iginiit tungkol kay Maris
MAKI-BALITA: Maris, friendzone kay Anthony
Subalit kung pagbabatayan ang mga inilabas na screenshots ni Jam sa kaniyang Instagram stories, na kaniya umanong mga resibo sa ginawa ng ex at Maris, mukhang may iba pang "side of story."
Kung pagbabatayan ang mga resibong inilabas ni Jam, mukhang nagkakaroon ng intimate na mga pag-uusap sina Anthony at Maris, na noong una, ay dinepensahan umano ng aktor bilang "method acting" o isang paraan para mas mapalapit ang dalawang artista sa isa't isa, lalo na kung kinakailangan sa mga eksena, halimbawa ay kung magka-love team sila.
Matatandaang nabuo ang tambalan nina Maris at Anthony dahil sa on-screen chemistry nila sa seryeng "Can't Buy Me Love," bilang "SnoRene," at ngayon nga, binigyan ng pangalan ang tambalan nila bilang "MaThon."
Saad ni Jam sa kaniyang paunang mensahe, ginawa niya ang pagsisiwalat ng kaniyang panig upang ilabas ang kaniyang katotohanan tungkol sa mga nangyari sa pagitan nila ni Anthony, na nagsasangkot nga kay Maris.
Isa-isang inilabas ni Jam ang screenshots ng mga kumbersasyon nina Maris at Anthony, at nilagyan ito ng caption na paliwanag upang hindi maligaw ang mga makababasa.
Ang puno't dulo nga ng lahat ay nakipaghiwalay si Jam kay Anthony matapos mabasa at matuklasan ang tila hindi akmang palitan ng mensahe nito at ni Maris, na lagpas na raw sa relasyon ng isang magkatrabaho lang.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo nina Anthony, Maris, o maging ang ABS-CBN sa nabanggit na isyu. Bukas ang Balita sa kanilang panig.