Patay ang isang doktor matapos umanong tikman ang inuming ipinadala sa kaniya ng kaniyang pasyente kamakailan.
Kinilala ang biktima na si Khaimar Ismael Jumadair, 43, aesthetic doctor, at may-ari ng Khai Aesthetic Clinic, na matatagpuan sa 2nd floor ng Tetra Building, A. Vasquez St., kanto ng Pedro Gil St. sa Malate, Maynila.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, nabatid na dakong alas-3:00 ng hapon noong Lunes, Disyembre 3, nang maganap ang insidente sa loob ng clinic ng biktima.
Dagdag pa, nasa loob ng kaniyang clinic si Jumadair nang dumating ang isang food delivery rider at naghatid ng 'inumin' para sa biktima, na mula umano sa isang kilalang coffee shop.
Kaagad namang tinanggap ng doktor ang naturang delivery at sinabing kilala niya ang nagpadala nito, na kinilalang si alyas ‘Gladys,’ na umano’y pasyente niya.
Gayunman, nang tikman ng doktor ang inumin ay nagulat ito at sinabing, "Ano bang lasa nito? Tikman n'yo nga!"
Hindi nagtagal ay nagsuka na ang biktima at nagtatakbo sa comfort room hanggang sa tuluyan itong mawalan ng malay.
Mabilis naman siyang isinugod ng mga tauhan sa Philippine General Hospital (PGH) ngunit nasawi rin.
Isinailalim na sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito.