December 04, 2024

Home BALITA National

Malaking bahagi ng bansa, patuloy na uulanin dahil sa amihan, shear line

Malaking bahagi ng bansa, patuloy na uulanin dahil sa amihan, shear line
Courtesy: PAGASA/FB screengrab

Inaasahang patuloy na makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Disyembre 3, dulot ng epekto ng northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms ang Metro Manila, Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Quezon, at Kalayaan Islands bunsod ng shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin.

Inaasahan namang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region dulot ng malamig na hanging amihan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Malaki rin ang tsansang magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region. Wala namang inaasahang magiging epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, inaasahang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms, kung saan posible ang pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).