December 22, 2024

Home SHOWBIZ Pelikula

Joy at Ethan? Mag-jowang nag-goodbye noon, nag-'Hello, Love, Again' ngayon

Joy at Ethan? Mag-jowang nag-goodbye noon, nag-'Hello, Love, Again' ngayon
Photo courtesy: Star Cinema (FB)/Screenshot from Good News (GMA Public Affairs)

Kinaaliwan ng mga netizen ang kuwento ng mag-partner na nagngangalang "Kim" at "Jaren" matapos nilang magkabalikan dahil daw sa panonood ng "Hello, Love, Goodbye" nina Kathryn Bernardo at Alden Richards, na maituturing na ngayong "highest-grossing Filipino movie of all time" matapos kumita ng bilyong piso worldwide.

Sa pagtatampok ng "Good News" ng GMA Public Affairs, nakapukaw sa atensyon nila ang isang Facebook post na mala-Hello, Love, Goodbye nga raw ang istorya. 

Unang nagkakilala ang dalawa noong nasa college pa sila, at kagaya raw ng karakter ni Ethan ay medyo "mahangin" daw si Jared kaya medo inis din sa kaniya si Kim.

Pero hindi naglaon daw at nagkagustuhan ang dalawa at nahulog ang loob sa isa't isa.

Pelikula

Julia Montes, dinaig sa bakbakan si Coco Martin

Kagaya rin nina Joy at Ethan, suportado raw ni Jared ang mga kilos at galaw ni Kim, lalo na sa mga raket nito.

Nang magtungo raw sila sa Hong Kong, doon na rin daw nag-propose si Jared kay Kim, sa lugar kung saan nag-propose din si Ethan kay Joy.

Ngunit kagaya rin ng mga karakter ng dalawa sa pelikula, sinubok din ng tadhana sina Kim at Jared. Kinailangan nilang maghiwalay para sa kani-kanilang priorities sa buhay. Sa pagkakataong ito, si Jared naman ang nagnais daw na sumubok ng kapalaran sa ibang bansa habang si Kim naman, mas nais daw manatili sa Pilipinas at magnegosyo na lamang.

Bukod dito, naging paralitiko pa ang tatay ni Jared, kaya talagang minabuti nilang maghiwalay na kahit labag sa kanilang kalooban.

Nang mapanood nila nang hiwalay ang HLG, muli nilang naalala ang isa't isa, kinontak na raw ni Kim si Jared para makipagkita at pag-usapan ang mga bagay sa pagitan nilang dalawa. Para kay Kim, wala naman daw talagang dahilan para mag-goodbye o mamaalam sila sa isa't isa, lalo na kung may nararamdaman pang pagmamahal.

At dito na nga ay muli silang nagkabalikan matapos daw nilang mag-usap nang personal at masinsinan habang nagdi-dinner.

Kung noon, hiwalay raw nilang pinanood ang HLG, ngayon naman ay sabay na nilang pinanood ang "Hello, Love, Again" lalo't muli silang nagkabalikan.