Pinag-usapan nina Cristy Fermin at Romel Chika ang tungkol sa naging reaksiyon at komento ni Karla Estrada tungkol sa huge success ng "Hello, Love, Again" na tumabo na sa bilyong piso worldwide ang kita, simula nang ipalabas noong Nobyembre 13.
Si Kathryn Bernardo, na isa sa mga bida rito katambal si Alden Richards, ay ex-girlfriend ng anak ni Karla na si Daniel Padilla, na nagbabalik-teleserye naman sa action series na "Incognito."
Sey ni Karla sa ambush interview ng ilang miyembro ng media, masaya raw siya sa tinatamasang tagumpay ngayon ni Kath, kahit buwag na ang tambalang KathNiel at may kani-kaniyang tinatahak sa kanilang career ngayon ang dalawa.
Reaksiyon naman ni Cristy, maganda rin naman ang tinuran ni Karla dahil isa rin naman siyang artista at alam niyang goal ng isang pelikula na tumabo talaga sa takilya, dahil ang ibig sabihin nito ay maraming nanood.
Sundot naman ni Romel, mabuti na lang daw at sinabi niya ito dahil kung hindi, saan daw siya pupulutin?
Dagdag pa ni Cristy, galing man daw sa puso o labas sa ilong ang papuri ni Karla, may maganda at positibong impact daw ito sa kaniya at sa imahe ng kaniyang anak na si Daniel, lalo't masyadong matagumpay ang HLA.