May 22, 2026

Home BALITA National

Sen. Sotto, 'di raw marunong 'mag-alaga' kaya napalitan sa liderato—Sen. Ping

Sen. Sotto, 'di raw marunong 'mag-alaga' kaya napalitan sa liderato—Sen. Ping
File Photo

Isiniwalat sa publiko ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na may nakarating daw na impormasyon sa kaniyang hindi raw marunong mag-alaga si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III kaya ito inalis sa liderato sa Senado noong Mayo 11, 2026. 

Ayon sa naging pahayag ni Lacson sa inupload niyang video sa kaniyang YouTube channel mukha sa panayam sa kaniya ng isang radio station nitong Biyernes, Mayo 21, idiniin niyang wala raw kasing ₱145 bilyon na halaga si Sotto para ipamigay sa kanilang mga kasama nia, 

“Ang nakarating sa amin, ang issue kay Sen. Sotto [ay] hindi raw marunong mag-alaga ng mga kasamahan namin ,” pagsisimula niya. 

Buwelta pa niya, “Aking reaksyon doon, ‘Hindi marunong mag-alaga? Si Senate President Sotto, wala siyang 145 billion na puwedeng ipamigay sa mga kapuwa niya senador.”

Kuwento ni Lacson, tila raw napagkukumpara pa ang naging pamumuno sa Senado nina Sotto at dating Senate President na si Sen. Chiz Escudero.

National

PNP Chief Gen. Nartatez, hinikayat sumuko na lang si Dela Rosa

“Kasi parang nakumpara pa siya kay Sen. Chiz, e. Parang si Senate President Chiz noon, alaga ‘yong mga kasama. Si Sen. Sotto, hindi daw,” saad niya. 

Ani Lacson, dagdag pa raw sa impormasyong nakarating sa kaniya sa dahilan ng pagpapababa sa puwesto kay Sotto ay ang pagiging chairperson niya sa Senate Blue Ribbon Committee.

“Isa pang dahilan, ako raw. ‘Yong Blue Ribbon, bakit daw may mga kasamahan kami na narekomendang makasuhan. Sa loob-loob ko lang, kung ganiyan ang dahilan, e ‘di wala tayong magagawa kasi it is what it is,” aniya. 

Diin ni Lacson, ginagampanan lang daw niya ang kaniyang trabaho at hindi niya raw kasalanan na ituro ng mga akusado sa flood control projects ang mga kapuwa niya senador.

“Ako, syempre ginawa ko ‘yong trabaho ko. Hindi naman ako nagturo kay Bernardo para ituro sila. Hindi naman ako nagturo kay Alcantara para ituro sila. ‘Yon naman ay galing sa pahayag nila,” ‘ika niya.

“Pero kung ikakasama ng loob ng aking mga kasamahan ‘yong aking pagganap ng tungkulin bilang chairperson, hindi ako magbabalewala noong mga pahayag o hindi ko isasama dahil sa mga kasamahan ko, saan naman ako lulugar?” Kuwestiyon niya. 

“Hindi ako para magtakip sa aking mga kasamahan,” pagtatapos pa ni Lacson. 

Matatandaang matagumpay na pumalit si Sen. Alan Peter Cayetano kay Sotto matapos siyang makakuha ng 13 boto sa mga kapuwa niya senador noong Mayo 11, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Nagpapanominate?' Sen. Ping, pinugang inasam maging SP ni Sen. Loren