May mensahe si "Angel Locsin" sa lahat ng fans at netizens na nakaka-miss na sa kaniya at naghihintay sa muli niyang pagbabalik-showbiz matapos ang halos dalawang taong social media at showbiz hiatus.
Muli kasing nag-trending sa X ang pangalan ni Angel matapos siyang hanapin ng netizens sa ABS-CBN Christmas Station ID 2024, na ini-launch na noong Lunes, Disyembre 2.
Umasam ang mga tagahanga ng versatile actress at tinaguriang "real-life Darna" na muling masilayan si Mrs. Arce subalit bigo nilang makita siya.
Nagsimula ang social media at showbiz hiatus ni Angel pagkatapos ng resulta ng May 2022 national elections, kung saan sinuportahan niya ang Leni-Kiko tandem.
Pero ang nasa likod ng mensahe sa verified Facebook account ni Angel, na nagpasalamat sa mga naka-miss sa kaniya, ay admin lamang ng page at hindi ang tunay na Angel Locsin.
"Fans, Angels, and everyone who loves her—we all miss her deeply. In perfect time, we’ll finally see and watch her again. Thank you for your unwavering love and support for Ms. Angel Locsin, Angels!" mababasa sa post.
Kahit hindi aktibo sa pagpo-post ang aktres, lagi namang updated ang nabanggit na page, na nagpo-post ng throwback photos at video clips ng aktres.
Sigaw naman ng netizens, sana raw ay muli na nilang masilayan si Angel sa pagpasok ng 2025, kahit hurado daw ng nagbabalik na "Pilipinas Got Talent" o PGT sa ABS-CBN.
KAUGNAY NA BALITA: Bakit kaya? Angel Locsin, trending sa X!