Natapos na ng aktor at public servant na si Jomari Yllana ang kaniyang master's degree program sa Philippine Christian University (PCU), sa gulang na 48.
Makikita sa Instagram post ni Jomari, na nai-tag sa kaniya ng misis na si Abby Viduya, ang mga larawan ng kaniyang graduation photo.
"Congratulations my husband! I’m so proud of you baby" mababasa sa post ni Abby.
"I love how you turn dreams into reality. Keep dreaming and never forget that anything is possible," dagdag pa niya.
Natapos ni Jom ang master's degree in management, majoring in public administration.
Sa panayam sa kaniya ng press, sinabi ni Jomari na ang nagpa-realize daw sa kaniya para "tapusin ang mga dapat tapusin" lalo na ang pag-aaral niya, ay ang pandemya.
Nakaplano na rin aniya ang pagkuha naman niya ng doctorate degree.
Bagama't hindi tatakbo sa 2025 midterm elections si Jomari, na minsan nang naging councilor ng 1st district sa Parañaque sa loob ng tatlong termino, ang kaniyang misis naman na si Abby ang aktibo ngayon, matapos siyang mag-file ng certificate of candidacy (COC) sa kaparehong distrito.