Ipinahayag ni Senador Imee Marcos na mas mabuti umanong ipagdasal na lamang ang kapatid niyang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kaibigang si Vice President Sara Duterte sa gitna ng nangyaring bangayan sa pagitan ng dalawa.
Sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Nobyembre 30, inusisa si Sen. Imee kung ano ang naramdaman niya sa bangayan nina PBBM at VP Sara.
“Hindi ko na pinag-iisipan sa totoo lang kasi nagdesisyon na ako nang maaga na iwasan na lahat ‘yan. Kaya nga hindi na ako nakipag-alyansa kasi alam kong mauuwi sa masakit, madugo, at pangit na hagisan ng putik. Ang sagwa eh,” anang senador.
“Kaya sabi ko trabaho na lang tayo, iwas muna tayo sa alyansa kasi mauuwi sa politika.”
“Ipagdasal natin sila. Higit sa lahat, sana ang maghari sa buhay at puso ng bawat isa ay kapakanan ng Pilipino,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi rin ni Sen. Imee na abala raw siya ngayon sa impeachment laban kay VP Sara dahil naniniwala raw siyang itutuloy ng Kongreso ang paghahain nito sa susunod na linggo.
“Mukhang itutuloy naman nila talaga at yun talaga ang plano. Very polarizing ito eh, watak-watak na nga tayo, nagiging Luzon vs Vis-Min (Visayas-Mindanao) tayo. Ang sagwa naman,” ani Sen. Imee.
“Siguradong makakalusot ‘yan sa Kongreso kasi kung anuman ang ninanais ng liderato doon ay nasusunod naman, at mukhang yun naman ang direksyon,” saad pa niya.
Kung matuloy ang impeachment complaint, ani Sen. Imee, gagawin daw ng Senado ang trabaho nitong dinggin ang reklamo.
Matatandaang naging usap-usapan ang posibleng impeachment complaint umano na ihahain laban kay VP Sara matapos nitong isiwalat noong Sabado, Nobyembre 23, na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito ang pangulo at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!
Binuweltahan naman ni PBBM si VP Sara kamakailan at iginiit niyang hindi ito dapat palampasin.
MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'
Samantala, nilinaw naman ni VP Sara na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.
MAKI-BALITA: VP Sara sa ‘assassination threat’ niya vs PBBM: ‘Maliciously taken out of logical context’
Kaugnay nito, sinabi ni PBBM na pag-aaksaya lamang umano ng oras ang pagsasampa ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara