Ibinahagi ng showbiz insider na si Ogie Diaz ang nasagap niyang tsika tungkol sa dating Senador na si Manny Pacquaio at komedyanteng si Rufa Mae Quinto.
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” nitong Huwebes, Nobyembre 28, sinabi ni Ogie na maging sina Pacquiao at Rufa ay sinilbihan din umano ng warrant of arrest.
“May nagparating ulit sa amin. Totoo ba ito? Na maging sina Rufa Mae Quinto at People’s Champ Manny Pacquiao ay may warrant of arrest din?” saad ni Ogie.
“Tulad ni Neri [Naig] endorser din ng Dermacare si Rufa Mae. Si Manny naman ang nakalagay ay franchisee/brand ambassador noong 2022,” wika niya.
Dagdag pa ng showbiz insider: “Nakakaloka, ha! Sana hindi ito totoo. Otherwise, maaari itong linawin ng kampo ni Rufa Mae at ni Manny Pacquiao. O baka hindi rin sila aware sa surprise warrant of arrest.”
Kaya naman, tila nakakatakot na raw magsilbing endorser o brand ambassador ng isang produkto dahil kapag nalugi ang mga kasosyo sa negosyo ay mga artista o celebrity ang hahabulin.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na anomang pahayag o reaksiyon sina Rufa at Pacquiao upang pabulaanan o kumpirmahin ang nasabing isyu.