January 22, 2025

Home BALITA National

Dental services, isasama na sa healthcare benefit packages ng PhilHealth

Dental services, isasama na sa healthcare benefit packages ng PhilHealth
(file)

Magandang balita dahil isasama na rin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang dental services sa kanilang healthcare benefit packages matapos na aprubahan ng kanilang Board of Directors en banc.

Ayon sa PhilHealth, ang mga naturang serbisyong kasama sa landmark package ay ang mouth examination/oral screening, dental prophylaxis o cleaning, at fluoride varnish application.

Sakop din nito ang fissure sealants, Class V procedures, emergency tooth extractions, at dental consultations.

“Universal health care must have oral health care, and the best way to make it sustainable and felt by all Filipinos is through primary care,” ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Aniya pa, “The Board agreed on a preventive oral health benefit to be delivered by dentists working in PhilHealth Konsulta package providers, and also by stand-alone dentists based on referrals from the Konsulta providers."

Sa ilalim ng naturang health package, inaprubahan ng PhilHealth Board ang maximum payment na P1,000 kada pasyente sa bawat taon para sa preventive oral health services.

Ang mga ito ay babayaran ng P300 para sa unang pagbisita, sakop ang mouth examination/oral screening, oral prophylaxis (cleaning), at fluoride varnish application; panibagong P300 para sa ikalawang pagbisita, na may apat na buwan ang pagitan mula sa unang pagbisita, para sa kaparehong serbisyo.

At P200 pa kada ngipin, na may maximum na dalawang ngipin, para sa pit at fissure sealant o Class V procedure.

Anang PhilHealth, ang co-payments ay ipagbabawal para sa public dentists, habang ang private dentists naman ay pahihintulutan ng maximum co-payment charges sa bawat pagbisita ng P1,500 para sa mouth examination at oral prophylaxis; P600 para sa pit at fissure sealant o Class V procedure; at P600 para sa emergency tooth extraction. 

Nabatid na ang pag-apruba ay kasabay ng paglahok ng bansa sa kauna-unahang World Health Organization (WHO) Global Oral Health Meeting (GOHM) sa Bangkok, Thailand, na tumatakbo mula Nobyembre 26 hanggang 29, 2024.