Nagkomento ang dating vice presidential candidate at ngayo'y re-electionist sa pagkasenador na si Atty. Kiko Pangilinan sa Instagram post ni Parokya ni Edgar lead vocalist Chito Miranda, sa kumpirmasyon at pagtatanggol nito sa misis na si Neri Naig-Miranda na dinakip ng pulisya sa Pasay City noong Nobyembre 23 ng hapon, dahil sa mga umano'y kasong kinahaharap niya.
Ayon sa Southern Police District nitong Nobyembre 26, kinumpirma nilang isang aktres na itinago nila sa alyas na "Erin" ang inaresto nila habang nasa isang convention center sa Pasay City, dahil sa 14 counts ng violation ng security regulations code at estafa case.
MAKI-BALITA: Southern Police District, kinumpirmang may dinakip na aktres na alyas 'Erin'
Kalaunan, pinangalanan at kinumpirma ng ABS-CBN News na ang aktres na dinakip ay si Neri, na nauna nang inispluk ni showbiz insider-TV host Ogie Diaz sa kaniyang entertainment vlog.
MAKI-BALITA: Misis ni Chito Miranda na si Neri Naig Miranda inaresto?
Sa kaniyang Instagram post nitong Nobyembre 27, sinabi ni Chito na nasa piitan pa rin si Neri dahil hindi bailable ang mga kasong nakasampa sa kaniya, subalit iginiit niyang walang kasalanan ang misis niya.
Mababasa sa post ni Chito, as is, "Praying na ma-sort out na ang lahat ng ito...kawawa naman yung asawa ko"
"Never nanloko si Neri, at never sya nanlamang sa kapwa."
"Never siyang kumuha or nanghingi ng pera kahit kanino man."
"Alam ng lahat yan."
"Tulong lang sya ng tulong hangga't kaya nya."
"Minsan kahit di na nakakabuti sa kanya."
"Kadalasan nga, naaabuso na sya pero hinahayaan nya nalang, basta wala syang ginawang masama."
"Pinapa sa Diyos nya na lang."
"Tulad ngayon, endorser lang sya tapos ginamit yung face nya to get investors."
"Kinasuhan sya ng mga nabiktima."
"Tapos last week, bigla na lang syang inaresto for the same case kahit hindi pa sya binigyan ng notice na may bagong criminal complaint pala laban sa kanya, and di nya na-defend yung sarili nya."
"Wala syang nareceive na letter from the prosecutor, walang subpoena, walang kahit anong notice."
"Yung mga dati, nareceive namin nya, at nag comply sya, (alam naman ng lahat na madali kami mahanap sa Alfonso)"
"Anyway, dinampot na lang sya bigla."
"(Nadismiss na yung mga similar na kaso sa ibang lugar, and we're praying na sana ma-dismiss na din ito.)"
"Wala siyang kinuhang pera sa ibang tao, lahat ng pera nila na kay Chanda, ang may ari ng Dermacare."
"Sobrang bait po ni Neri...as in sooobra."
"Eto yung babaeng kinulong ninyo without bail, habang nakalaya pa yung mga tunay na may kasalanan."
MAKI-BALITA: Chito, nagsalita na sa kaso ng kaniyang 'wais na misis': 'Never nanloko si Neri!'
Sa comment section naman ay mababasa ang mensahe ni Pangilinan para kay Chito. Aniya, nakahanda raw silang tumulong (hindi binanggit kung sino ang binabanggit na "kami") para sa kaso ni Neri, na isang biktima rin.
"Narito kami handang tumulong Chito. Ang product endorser ay isang talent at hindi dapat nananagot sa iligal na gawain ng may ari at management ng isang korporasyon."
"Biktima rin si Neri tulad ng ibang nabiktima nung mga estafador sa likod ng kumpanya. Habulin dapat yung mga may ari. Nawa’y madismiss o maibalik ang kaso sa piskalya para sa preliminary investigation at ma lift o ma quash ang arrest warrant.."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o komento si Chito sa mensahe ni Kiko.