Ibinahagi ni TV5 news anchor Gretchen Ho ang panonood niya sa naging pahayag ni President Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. patungkol sa maaanghang na pahayag at umano'y pagbabanta sa kaniya ni Vice President Sara Duterte gayundin sa kaniyang asawang si First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Sa nabanggit na live ng pangulo nitong Lunes, Nobyembre 25, sinabi ni PBBM na hindi raw dapat pinalalampas ang anumang threat o banta sa buhay ng pinakamataas na lider ng bansa.
"Nakakabahala ang mga pahayag na narinig natin nitong mga nakaraang araw. Nandiyan ang mga walang pakundangang pagmumura at pagbabanta ng planong ipapatay ang ilan sa atin,” saad ni PBBM.
“Kung ganoon na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan? ‘Yang ganyang krimimal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas. ‘Yan ay aking papalagan,” aniya pa.
MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'
Sa X post naman ni Gretchen ay makikitang habang pinanonood niya si PBBM sa kaniyang cellphone ay kumakain siya ng "Piattos" kasama ang ilan pa, habang nasa loob ng kaniyang sasakyan.
Ang nabanggit na brand ng sitsirya ay mula naman kay "Mary Grace Piattos" na tinutukoy na siyang pumirma sa mga resibo ng transaksyon ng Office of the Vice President (OVP) sa paggamit ng pondo nito, na inaalam pa kung sino o kung totoong may nag-eexist na ganitong personalidad.
Sa isang panayam ng media ay sinabi naman ni VP Duterte na wala siyang maikokomento patungkol kay Mary Grace Piattos dahil hindi naman umano dumaraan sa kaniya ang lahat ng mga dokumentong ipinapasa ng OVP sa Commission on Audit (COA).
MAKI-BALITA: VP Sara, nagsalita na patungkol sa misteryo ni Mary Grace Piattos