Umiiyak na pinakiusapan ni Office of the Vice President (OVP) chief of staff Atty. Zuleika Lopez si Vice President Sara Duterte na huwag siya nitong iiwan matapos siyang silbihan ng transfer order para ibalik sa Veterans Memorial Medical Center nitong Sabado, Nobyembre 23.
Base sa ulat ng GMA News, makikita sa video si Lopez na umiiyak at nakayakap kay Duterte sa St. Luke’s Medical Center habang sinisilbihan siya ng transfer order ni PNP-CIDG Chief BGen. Nicolas Torre III.
“Huwag mo akong iiwan,” ani Lopez kay Duterte na nakaalalay sa kaniya.
Natatakot umano si Lopez na ilipat siyang muli sa Women's Correctional.
Ayon sa CIDG, utos ng House of Representatives ang paglilipat kay Lopez sa Veterans Memorial Medical Center.
Samantala, makikita rin sa video si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na kasama sa mga dumadamay kay Lopez.
Matatandaang dinala si Lopez sa St. Luke’s Medical Center bandang 5:30 ng umaga nitong Sabado dahil daw sa “anxiety attack” matapos siyang ilipat sa Women’s Correctional dahil umano sa panghihimasok ni VP Duterte sa sitwasyon nito sa detention facility sa House of Representatives.
Noong Miyerkules, Nobyembre 20, nang i-contempt ng House of Representatives si Lopez dahil umano sa liham ng OVP sa Commission on Audit (COA) na naglalaman na huwag ilahad sa Kamara ang audit nito sa ahensya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order