Inamin mismo ni "FPJ's Batang Quiapo" lead star, director, producer, at line producer Coco Martin na kahit siya, hindi pa niya alam kung saan patungo ang kuwento ng action-drama series dahil "wala itong kuwento."
Nakapanayam si Coco ni showbiz insider-TV host Ogie Diaz sa kaniyang vlog na "Ogie Diaz Inspires," at dito ay natanong siya kung paano niya nagagawang pagsabay-sabayin ang mga ginagawa niya.
Aminado naman si Coco na nahihirapan siya sa ginagawa niya lalo't siya na rin ang producer at line producer ng sariling show, subalit iba pa rin daw kasi ang nadadalang fulfillment sa kaniya ng mga pinagkakaabalahan niya.
Sabi pa ni Coco, kahit nakapikit daw siya, alam na niya ang ginagawa niya ngayon matapos siyang mahulma sa "FPJ's Ang Probinsyano" na tumagal ng pitong taon sa ere. "Minamani-mani" na lamang niya ang mga ginagawa niya kapag nasa taping sila.
Sinegundahan naman ito ni Ogie dahil nakakarating daw sa kaniya ang mga papuri kay Coco dahil sa pagiging malikhain niya, lalo na raw si dating ABS-CBN President Charo Santos-Concio na kabilang din sa cast ng BQ.
"Talagang naririnig ko sa kanila, 'Brainy si Coco pagdating sa paggawa ng mga eksena. 'Yong iba nagtataka, 'Paano ginagawa ni Coco 'yon, on the spot, sa set mismo. Kaya niyang bumuo.' Siyempre hindi naman namin mananakaw ang utak mo Coco, pero saan ba galing 'yan?" untag ni Ogie.
Sagot naman ni Coco, marami raw nagsasabi sa kaniya na baka "gift" ito sa kaniya ng Diyos, bagay na sinasang-ayunan at napapatunayan naman daw niya.
Sundot pa ni Ogie, marami na raw mga show na tumapat sa Probinsyano at Quiapo subalit lahat sila ay nawala o natapos na subalit ang kay Coco ay nakatayo pa rin.
"Ang Probinsyano at Batang Quiapo wala kasi siyang kuwento, wala siyang kuwento... kaya kahit saan ko siya dalhin, sinasalo lang siya ng viewers. Meron akong umpisa, pero wala akong gitna at dulo. Paano aabot ang isang show ng 7 years? Alam mo naman kapag gumagawa tayo ng teleserye, alam mo na kung saan pupunta ang kuwento, kung saan ang journey. Ako kasi ang dali kong ikabig, ang dali kong manipulahin. 'Ah okay, bagsak ang plot nito, kabig na agad tayo. Nakabisado ko na siyang draybin. Alam ko na," paliwanag pa ni Coco.
Dagdag pa ni Coco, kapag nasa set daw siya, aminadong "masungit" at "metikuloso" siya dahil sa kaniyang work ethic siya na kapag na sa trabaho, kailangang nakapokus sa trabaho dahil katwiran niya, hindi naman daw siya naglalaro lang.