Mukhang mas magiging abala si Kapuso Comedy Concert Queen Ai Ai Delas Alas sa mga darating na araw, bukod sa kaniyang mga ganap sa GMA Network.
Bukod sa pagiging hurado ng "The Clash" at iba pang mga proyekto, mukhang babalik na ulit sa pagiging manager si Ai Ai dahil balak daw niyang bumuo ng bagong rap group.
Ayon sa ulat ng PEP, pinapahanap daw niya ang pinong male teens mula sa Dasmariñas, Cavite para buuin ang kanilang rap group na "Outcast."
Kaysa sa magmukmok matapos ang kumpirmasyong hiwalay na sila ng mister na si Gerald Sibayan, ito na raw ang pagkakaabalahan ng Comedy Concert Queen; ang pagtulong sa kabataang maabot ang kanilang mga pangarap.
Isa pa, gusto niyang tulungan ang mga bagets dahil hindi lang daw basta rap songs ang ginagawa nila, kundi ine-express nila sa kanilang mga kanta ang pagmamahal nila sa mga magulang.
Ibang-iba raw ito sa mga rapper na pulos kasawian sa pag-ibig o pakikipagrelasyon ang tema ng mga nagagawang rap songs.
Matatandaang maka-ina si Ai Ai, since siya nga ang "Tanging Ina" sa pelikula, at kamakailan lamang, tinulungan niya sa live selling ang ina ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo, na si Angelica Yulo.