Nagpaabot ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte sa mga miyembro ng Senado nitong Lunes, Nobyembre 18, matapos niyang dumalo sa isinagawang pagdinig ng plenaryo hinggil sa budget ng kaniyang opisina noong nakaraang linggo.
Sa isang Facebook post, nagbahagi si Duterte ng ilang mga larawan ng kaniyang naging pagdalo sa Senate Plenary budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025 noong Nobyembre 13, 2024 sa Pasay City.
“Maraming salamat sa mga miyembro ng ating Senado,” ani Duterte.
“Tulad ng lagi kong sinasabi, ipinapaubaya ko ang budget ng ating Opisina sa pagpapasya ng ating mga mambabatas.”
Samantala, muli ring binanggit ng bise presidente na patuloy pa rin niyang gagampanan ang mga responsibilidad ng kaniyang posisyon.
“Patuloy po tayong magtratrabaho at gagampanan ang ating mandato bilang Bise Presidente,” ani Duterte.
“Ang Office of the Vice President ay patuloy na maghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan,” saad pa niya.
Matatandaang sa nasabing pagdinig ng Senado ay inaprubahan ng Senate finance committee ang ₱733-million budget ng OVP sa loob ng 10 minuto.
In-adopt daw ng upper chamber ang rekomendasyon ng House of Representatives dahil hindi nagpasa ng mga kinakailangang dokumento ang OVP, kahit ilang beses na silang nakipag-ugnayan sa kanila.
MAKI-BALITA: Budget ng OVP, aprub sa senado; mga senador, nagpa-pic kay VP Sara
Kamakailan lamang nang bawasan ng House of Representatives ang ₱2.037 bilyong proposed budget ng OVP para sa 2025 at ginawa itong ₱733 milyon sa kanilang bersyon ng 2025 General Appropriations Bill (GAB).
MAKI-BALITA: ₱2.036B proposed budget ng OVP sa 2025, balak bawasan ng ₱1.29B!
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ano ang susunod na pagdadaanan ng proposed budget ng OVP?