December 09, 2024

Home BALITA National

47% ng mga Pinoy, naniniwalang bubuti ang buhay sa susunod na 12 buwan – SWS

47% ng mga Pinoy, naniniwalang bubuti ang buhay sa susunod na 12 buwan – SWS

Tinatayang 47% ng mga Pilipino ang naniniwalang bubuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan, ayon sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Huwebes, Nobyembre 14.

Sa tala ng SWS, 40% naman ang naniniwalang hindi magbabago ang kalidad ng kanilang pamumuhay, habang 5% naman ang nagsabing lalala pa ang kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan.

Samantala, hindi naman nagbigay ng kasagutan sa nasabing usapin ang natitirang 8% ng mga Pilipino.

Tinawag ng SWS ang mga naniniwalang bubuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay na “Optimists” habang tinatawag nitong “Pessimists” ang mga nagsabing lalala ang kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

“The resulting Net Personal Optimism score is +42 (% Optimists minus % Pessimists), classified by SWS as excellent (+40 and above),” anang SWS.

Pareho naman daw ang September 2024 Net Personal Optimism score sa excellent +41 na naitala noong Hunyo 2024, kasunod ng bahagyang pagtaas mula sa very high +37 noong Marso 2024.

Isinagawa ang nasabing survey mula Setyembre 14 hanggang 23 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 indibidwal na ang edad ay 18 pataas.