Puno na raw ng pasyente ang emergency room (ER) sa ilang ospital sa Quezon City dahil sa lumalagong bilang ng mga nagkakasakit ayon sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa “24 Oras” noong Sabado, Nobyembre 9.
Ayon kay Aguinaldo, ang mga pangunahing sakit umano ng mga pasyenteng naoospital ay stroke, leptospirosis, dengue, kidney disease, at pneumonia.
“Ang East Avenue Medical Center nasa 150 ang capacity ng emergency room. Pero sa ngayon ay nasa 154 ang pasyente nila dito,” saad ni Aguinaldo.
Ayon sa East Avenue Medical Center, napaghandaan naman nila ang senaryong ito na kadalasan daw nangyayari pagpasok ng Ber months.
Ganito rin umano ang kondisyon ng isa pang pribadong ospital sa nasabing lungsod. Kaya naman gumawa na lang daw sila ng paraan upang mapagkasya ang mga pasyente.
Base sa paliwanag ng Private Hospitals Association of the Philippines, malaking salik umano sa senaryong ito sa mga ospital ang biglang pagbabago ng panahon tulad ng pagdaan ng bagyong Kristine kamakailan.
Samantala, ayon naman sa Department of Health, patuloy umano nilang tinutugunan ang dumaraming pasyente sa ER. Kaya wala rin umanong dapat ikabahala dahil bumababa naman daw ang kaso ng dengue at leptospirosis sa Pilipinas.
“Walang isa o dalawa o kahit grupo ng mga sakit na dahilan kung bakit puno [ang mga ER]. ‘Yon pa ngang sinasabing puno hindi rin naman puno lahat, e, actually,” pahayag ni DOH Asec. Albert Domingo.
Dagdag pa niya: “Nakabantay lagi ang DOH sa status ng ating mga ospital pero hindi sa cause for concern now.”
Kaya naman paalala sa publiko—lalo na sa mga bulnerable sa sakit gaya ng matatanda—inumin ang mga maintenance para hindi na madala pa sa ospital.
Gayundin, iminumungkahi ng ahensya ang pag-eehersisyo at pag-iwas sa mga pagkaing sobra-sobra sa alat, tamis, at taba.