December 09, 2024

Home SPORTS

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?
Photo courtesy: Premier Volleyball League/Facebook

Tila anim na koponan ang umano’y nagbabalak na tuluyang lisanin ang professional volleyball league ng bansa na Premier Volleyball League (PVL).

Ayon sa ulat ng isang local media outlet, nagbabalak na raw umalis ang anim na koponan mula sa liga dahil sa umano’y hindi patas na rulings nito na pumapabor lamang daw sa “crowd favorite” teams.

Nabanggit din sa ulat ng naturang local media ang usap-usapan na rin daw na pagtatayo ng sarili at panibagong liga ni Farm Fresh Foxies owner Frank Lao. Si Lao, ay siya ring founder at owner ng Strong Group Athletics, isang pribadong organisasyon na primaryang sumusuporta sa ilang basketball at volleyball teams sa bansa.

Kamakailan lang ay nagpetisyon ang koponan ng Fram Fresh sa PVL, matapos hindi payagan ng pamunuan ng liga na makalaro sa All Filipino Conference ang Fil-Am player na si Alohi Robins-Hardy, na naunang bakuran ng naturang koponan. 

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

KAUGNAY NA BALITA: PVL, ibinalandra eligibility rules sa foreign players; Alohi Hardy, ekis ngayong conference

May ilan din umanong nagsasabi sa nakaambang pagbabalik ng dating volleyball league na Philippine Super Liga (PSL), kung saan doon daw nagbabadyang lumipat ang naturang anim na koponan, kasunod ng pagpabor daw ng liga sa mga naglalakihang koponan na puno ng sikat na manlalaro.

Matatandaang bago tuluyang matapos ang nakaraang conference ng PVL noong Agosto 2024, ay inulan ng batikos ang liga dahil sa umano’y “wrong calls” nito katulad na lamang ng dayaan daw na nangyari sa dikit na laban noon ng Akari Chargers at PLDT High Speed Hitters.

KAUGNAY NA BALITA: Semi-finals ng PVL sa pagitan ng PLDT vs Akari, nagkadayaan daw?

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang PVL hinggil sa mga umuugong na balita at alegasyong ibinabato sa kanila. 

Kate Garcia