Isang lalaki ang patay nang ma-hit-and-run ng dalawang motorsiklo sa Tondo, Manila nitong Biyernes ng madaling araw.
Ang biktima ay nakilalang si Wilson Mallari, 36, ng Jose Abad Santos, sa Tondo.
Samantala, nakatakas naman ang dalawang rider na nakasagasa sa biktima, na pinaghahanap na ng mga awtoridad.
Batay sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit-Vehicle Traffic Investigation Section (MDTEU-VTIS), dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa northbound lane ng Jose Abad Santos, kanto ng Tecson St., sa Tondo.
Sa kuha ng CCTV, makikitang naglalakad ang biktima sa naturang lugar nang bigla na lang mabangga ng isang motorsiklo. Sa lakas ng impact nang pagkakabangga, bumagsak ang biktima sa sementadong kalsada.
Dito na siya nagulungan sa ulo ng isa pang motorsiklo na agaran umano niyang ikinamatay.