Malaki na ang tsansang maging bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Base sa 10 AM update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang LPA 1,495 kilometro ang layo sa silangan ng Eastern Visayas.
“As of 10:00 AM today, The low pressure area (LPA 11a) has a HIGH chance to develop into a Tropical Depression within the next 24 hours,” saad ng weather bureau.
Nauna nang inihayag ng PAGASA na posibleng pumasok sa loob ng PAR ang nasabing LPA sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
Kung sakaling maging bagyo at pumasok sa PAR, tatawagin itong bagyo Marce at ito ang magiging ika-13 bagyo ngayong taon.
Kamakailan lamang ay inihayag ng PAGASA na isa hanggang dalawang bagyo ang posibleng pumasok o mabuo sa loob ng PAR ngayong Nobyembre.
MAKI-BALITA: 'Pinas, posibleng magkaroon ng 1 hanggang 2 bagyo sa Nobyembre