Naging laman ng paksa sa "Showbiz Update" nina Ogie Diaz, Mama Loi, at Dyosa Pockoh ang hinggil sa umano'y nabalitaan nilang nagbawas ng female co-hosts si Willie Revillame sa kaniyang programang "Wil To Win."
Sa kasalukuyan daw kasi, ang napapanood na co-hosts na lamang ni Willie ay ang dating beauty queen-turned-social media personality na si Inday Fatima Kate Bisan, at ang komedyanteng si Boobsie Wonderland.
Marami rin ang napapatanong kung ano na ang kahihinatnan ng dating "It's Showtime Online" hosts na sina Ana Ramsey at Viva Artist Cindy Miranda kung totoo man ang tsikang magkakatanggalan dahil naghahanda raw si Willie ng isang reformat.
Ang reformat na ito ay nakabatay raw sa balak niyang pagtakbo sa 2025 midterm elections bilang isang senador, dahil pansamantala siyang mawawala kapag nagsimula na ang campaign period. Bawal kasing lumabas o mapanood sa alinmang programa sa telebisyon ang mga kandidato.
Sey naman ni Ogie, kung kaya naman daw nilang mag-host na tatlo lang sila, go lang daw.
Nabanggit ni Willie sa filing ng certificate of candidacy (COC) noong Oktubre na magpapatuloy pa rin daw ang show.
MAKI-BALITA: Sa pagtakbong senador ni Willie: Wil To Win, magpapatuloy pa ba sa ere?
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Willie tungkol dito.