"I FINALLY MADE IT!"
Ipinagsigawan ng dating "Goin' Bulilit" star na si Igi Boy Flores ang mga graduation photo niya sa kaniyang Instagram post, patunay na nakatapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo, kahit na sinasabi niyang medyo may edad na siya.
Sa kaniyang Instagram post, sinabi ni Igi Boy na aminado siyang noong aktibo pa siya sa pag-aartista, wala sa kaniyang mindset ang pag-aaral dahil naisip niya, bakit pa siya magtatrabaho kung kumikita na siya nang malaki?
"Lagi kong sinasabi sa mga kabataan at co-actors ko kung gaano ka-importante ang edukasyon. Ngayon, mas lalo ko na itong maipagmamalaki dahil nakatapos na ako, sa wakas," ani Igi Boy.
"Hindi maganda ang mindset ko noon. Ang nasa isip ko dati, 'Bakit pa ako mag-aaral kung may maayos na trabaho na ako ngayon?' kaya hindi ko napagtuunan ng panahon yung early college days ko sa ibang pamantasan."
Sa kabila ng lahat, mas pinili raw ni Igi Boy na makatapos ng pag-aaral dahil pakiramdam niya ay hindi siya buo.
"Nang medyo nagkaka-edad na tayo, doon ko napag isip-isip na may kulang, hindi ako buo. Ano pa ba ang pwede kong iambag sa lipunan maliban sa pagpapasaya ng mga tao sa pamamagitan ng pag-arte at komedya? Dun ko naisip na ang pagtatapos ng pag-aaral ang bubuo sa hinahanap kong pagkukulang."
Pinasalamatan ni Igi Boy ang mga taong naging inspirasyon, tumulong, at sumuporta sa kaniya upang makapagtapos ng pag-aaral, lalo na sa Diyos, dahil sa ibinigay raw sa kaniyang mga pagkakataon at oportunidad upang maipagpatuloy ang pag-aaral.
Nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration Major in Marketing Management sa AMA University - Online Education si Igi Boy.
Congratulations, Igi Boy!