Usap-usapan ang pagdakip ng mga pulis sa Pasig City sa dating aktor na si John Wayne Sace, pangunahing suspek sa umano'y pamamaril sa kaniyang kaibigang nagngangalang "Lynell Eugenio," 43-anyos, residente ng Barangay Sagad, Pasig City, dakong 7:30 ng gabi nitong Lunes, Oktubre 28.
Ayon sa mga lumabas na ulat, apat na tama ng bala mula sa kalibre 45 baril ang kumitil umano sa buhay ng biktima, at ilang oras matapos ang krimen, nagkaroon ng lead ang pulisya kung sino ang posibleng suspek. Nasukol umano si Sace sa isang hotel malapit sa sentro ng Pasig.
Mula sa detention cell ng Pasig City, inilipat umano si Sace sa Eastern Police District SOCO para isailalim sa paraffin test, upang malaman kung gumamit ba siya ng baril. Na-recover umano mula sa kaniya ang kalibre 45 baril na posible umanong ginamit sa pamamaslang.
Sinubukan umanong hingan ng panig si Sace kung ano ang posibleng motibo sa nabanggit na krimen, subalit ayon sa mga imbestigador, matagal na raw may alitan sina Sace at ang biktima.
MAKI-BALITA: Dating aktor na si John Wayne Sace arestado; suspek sa pagpaslang sa Pasig
Kung titingnan naman ang huling Facebook post ni Sace, tila may pahiwatig ito ng kaniyang pagkakaroon ng kaaway.
Mababasa rin sa post na tila may kinalaman sa pagtutulak ang droga ang kaniyang pinatutungkulan, at pinagbantaan pa raw siyang papatayin ang kaniyang pamilya.
"Nagtutulak kayo ng droga ng palihim Diba? Yun mga Buhay na sinira nyo? May kalaban laban ba? Yung mga ninakawan nyo? Meron? Wag kayo pavictim.." mababasa sa post, na ngayon ay hindi na mahagilap.
"Ilang beses nyo na ko pinagplanuhan katulad kagabi???Ha Diba? Pag umalis ako papatayin nyo pamilya ko..hayopp kayo."
MAKI-BALITA: Huling post ni John Wayne Sace, may kinalaman sa umano'y pamamaril niya?
PANAWAGAN NG HUSTISYA MULA SA PAMILYA NG BIKTIMA
Sa isinagawang panayam naman ng Cabinet Files ng entertainment website na "Philippine Entertainment Portal" sa isa sa mga malalapit na kaanak ni Eugenio, magkababata at magkaibigan daw ang biktima at suspek kaya malaking pagkagulat mula sa kanilang panig ang umano'y pagbaril ng dating aktor sa kanilang mahal sa buhay.
Ang nabanggit na kaanak na kinapanayam ng PEP ang unang sumugod para daluhan ang kanilang kaanak na umano'y binaril ni Sace. Marami umanong nakasaksi sa ginawa ng dating aktor. Nagtataka naman sila kung ano ang motibo ni Sace gayong nag-bonding pa raw ang dalawa. Hindi na rin daw iba ang trato nila kay John Wayne na parang kapamilya na rin, lalo na ang tatay ng biktima.
Kuwento pa raw ng kaanak, bumili pa raw sila ng sigarilyo sa isang tindahan sa isang eskinita. Pagkatapos nito, saka na naganap ang malagim na krimen.
Kaya naman, nananawagan sila ng hustisya sa kinasapitan ng kanilang kaanak.
May mga nagsasabi pa raw na may mga kakaibang sinasabi si John Wayne bago ang insidente ng pamamaril. May bumiro pa raw sa kaniya kung puwedeng umutang, na sinagot daw nitong "Walang problema basta buhay ang kapalit."
Ilang oras daw matapos ang pagbaril ay nakapag-post pa nga si John Wayne tungkol sa isang kaaway na "nagtutulak ng droga" at nagbabanta raw sa kaniyang pamilya.
Hindi pa tiyak kung konektado sa krimen ang nabanggit na post.
Samantala, wala pang tiyak na updates kung anong kaso ang isasampa ng pamilya ng biktima kay Sace.