December 22, 2024

Home SPORTS

UST basketball head coach, sinupalpal bashers; ‘Mamatay na kayong lahat!’

UST basketball head coach, sinupalpal bashers; ‘Mamatay na kayong lahat!’
Photo courtesy: UAAP Media Bureau

Tila literal na “bitter sweet” ang mensahe ni University of Santo Tomas (UST) men’s basketball team head coach Pido Jarencio sa kaniyang bashers, matapos mabawi ng kaniyang koponan ang three-game losing streak sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) season 87 men’s basketball tournament.

Sa post-game interview, tahasang binuweltahan ni Jarencio ang kaniyang bashers.

“Ang dami kong bashers, I love you all. Mamatay na kayong lahat,” ani Jarencio.

Lalo raw kasing dumami ang mga bumabatikos sa kaniya matapos ang sunod-sunod na pagkatalo ng USTe sa pagsisimula ng second round ng liga.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Matatandaang noong Linggo, Oktubre 27, 2024, naiukit na ng Espanya-based team ang kanilang unang panalo para sa second round, nang pataobin ang Far Eastern University Tamaraws, 79-70.

Tila may pasaring din si Jarencio sa mga umano’y tunay at hindi tunay na fans ng UST.

“Sa mga fans namin na tunay, manood kayo. Kung hindi kayo tunay, okay lang, kahit limang libo lang yung nanonood sa amin ngayon. Okay lang kami roon,” saad pa ni Jarencio.

Samantala, umangat naman sa ikaapat na puwesto ang UST na may 5-6 record, dahilan upang magkaroon ng pagkakataong maging final four contender pa ang naturang koponan.

Kate Garcia