Bahagyang lumakas ang bagyong Leon habang patuloy itong kumikilos pakanluran sa Philippine Sea sa bilis na 20 kilometers per hour, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 5:00 ng hapon ngayong Linggo, Oktubre 27.
Sa update ng PAGASA, huling namataan ang Tropical Storm Leon 1,000 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 90 kilometers per hour.
Dahil sa patuloy na pagkilos ng bagyo pakanluran kung saan medyo lumalapit ito sa kalupaan ng bansa, posibleng itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan Valley at northeastern portion ng Bicol Region mamayang gabi o bukas ng Lunes, Oktubre 28.
“The highest Wind Signal which may be hoisted during the occurrence of LEON is Wind Signal No. 1 or 2, depending on how close the tropical cyclone will be during its north northwestward movement over the Philippine Sea,” anang PAGASA.
Samantala, inaasahang unti-unting lalakas ang bagyo sa susunod na 24 oras at posibleng itaas sa severe tropical storm category bukas ng Lunes, at sa typhoon category sa Martes, Oktubre 29.