January 05, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Kandidata, na-lotlot sa MGI; Miss Grand Myanmar nat'l director, nag-eskandalo

Kandidata, na-lotlot sa MGI; Miss Grand Myanmar nat'l director, nag-eskandalo
Photo courtesy: @Htoo Ant Lwin (IG)/Screenshots from Pageanthology (X)

Naloka ang beauty pageant fans sa ginawa ng Miss Grand Myanmar national director na si Htoo Ant Lwin matapos niyang puwersahang alisin ang korona at sash ng pagka-second runner-up ng kanilang kandidatang si Miss Grand Myanmar 2024 Thae Su Nyein, pagkatapos ng Miss Grand International 2024 coronation night at hindi pa man nakakababa ng stage ang kandidata.

Makikita sa mga kumalat na video na sapilitang tinanggal ni Lwin ang nakaputong na korona sa ulo ni Nyein, at inalis naman ang suot-suot nitong sash, habang kinarga ito ng isang supporter. Si Nyein naman ay tila walang nagawa at napaiyak na lamang na dulot marahil ng kahihiyang nasaksihan ng lahat.

Itinanghal na Miss Grand International 2024 ang kandidata ng India na si Rachel Gupta, sa naganap na coronation night nitong Biyernes ng gabi, Oktubre 25, sa MGI Hall, Bravo BKK Mall, sa Bangkok, Thailand.

Ang pambato naman ng Pilipinas na si CJ Opiaza mula sa Zambales ang first runner-up.

Tsika at Intriga

Igan sa mga kalat sa Bagong Taon: 'Totoo ba na ang mga Pilipino ay burara at baboy?'

Ang kalahok nga mula sa Myanmar na si Thae Su Nyein ang second runner-up, Safiétou Kabengele ng France ang third runner-up, at kinatawan ng Brazil na siTalita Hartmann ang fourth runner-up.

Sa isang live social media broadcast ay ipinaliwanag ni Lwin kung bakit hindi niya matanggap na second runner-up lamang ang kanilang pambato.

Pero ano nga ba ang paratang ni Lwin laban kay Miss Grand International (MG) Nawat Itsaragrisil?

Ayon kay Lwin, sinabi raw sa kaniya ni Nawat na nag-alok daw ng salapi ang Indonesia para sa "Popular Vote," at kung gusto rin daw manalo ng award ang Myanmar, ganito rin ang suhestyon ng MGI founder/president na kailangan niyang gawin.

Pero nanindigan si Lwin na hindi siya bibili ng award para sa kanilang kandidata, bagkus ay gagawin lamang ang tamang proseso sa pamamagitan ng pagboto sa official voting app ng MGI.

Sa huli, ang nag-uwi nga ng Popular Vote award ay si Miss Grand Indonesia Nova Liana, kung may bahid man ng katotohanan ang isiniwalat niya sa live. 

Kaya nang ma-lotlot si Nyein, siya na mismo ang nagbaklas ng korona at sash nito, at kumbaga ay wafakels na siya sa kahihiyang puwedeng maidulot nito, lalo na sa kanilang kandidata.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang MGI founder/president tungkol sa isyu.

MAKI-BALITA: Kandidata ng India, wagi sa MGI 2024; Pilipinas, first runner-up