Nausisa ang isa sa mga itinuturing na hot momma ng showbiz industry na si Sunshine Cruz kung gaano kahalaga ang lalaki sa buhay niya.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” kamakailan, sinabi ni Sunshine na wala raw problema sa kaniya kung may dumating mang lalaki o wala.
“Kung wala, okay lang ako. Kung mayro’n, okay lang din ako,” saad ni Sunshine. “Para sa akin kasi talaga, ang mundo ko umiikot sa aking mga anak, sa pamilya ko.”
Dagdag pa niya: “Kung may darating, thank you Lord. Kung wala, thank you Lord pa rin kasi binigyan mo ako ng tatlong magagandang anak na alam ko eventually ‘pag tumanda akong mag-isa, aalagaan nila ako.”
Ang tatlong anak na tinutukoy ni Sunshine ay sina Angelina, Sam, at Chesca na pawang supling nila ng dati niyang asawang si Cesar Montano.
Matatandaang ikinasal silang dalawa noong 2000 ngunit kalaunan ay nauwi sa hiwalayan matapos mag-file ni Sunshine ng annulment.