May 22, 2026

Home BALITA National

‘We have yet to validate:’ NBI wala pang ideya patungkol sa pag-alis, kinaroroonan ni Sen. Bato

‘We have yet to validate:’ NBI wala pang ideya patungkol sa pag-alis, kinaroroonan ni Sen. Bato
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na wala pa silang kaalaman ukol sa pag-alis at pinuntahang lugar ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Kaugnay ito sa napaulat na pag-alis ng mambabatas sa Senado, matapos ang naganap na kaguluhan noong Miyerkules ng gabi, Mayo 13.

“We have yet to validate kung ano po ‘yong report. Baka maganda po, sa Senate po natin itanong, sa Senado, sa Office of the Sec-Gen, doon po sa OSAA din po, dahil sila po ang makakakita talaga kung may aktwal na paglabas o pag-alis po ni Senator Bato,” saad ni Matibag sa press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Mayo 14.

Aniya, “Umaasa rin po kami sa aming mga naririnig na balita, lumalabas po sa social media.”

Natanong din ang hepe hinggil naman sa direktibang ibinaba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay sa pag-aresto kay Dela Rosa.

“If you’re referring po doon sa kahapon, wala naman. Ang gaya po ng sinabi ko sa ating mga pahayag noon pa man, na wala pong instruction na arestuhin,” anang hepe ng NBI.

Anang Matibag, ang pagpunta nila roon ay pawang magresponde lamang sa kahilingan ng Government Service Insurance System (GSIS) na tiyaking ligtas ang premises nito—at hindi i-approach si Sen. Bato. 

Sa parehong press briefing, itinanggi ni Matibag na empleyado ng NBI si Mel Oragon, ang tinuturong nanguna sa pagpapaputok ng baril sa Senado noong Miyerkules ng gabi, Mayo 13.

MAKI-BALITA: Matibag, itinangging empleyado ng NBI si Mel Oragon-Balita