Iginiit ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na hindi raw opisyal na empleyado ng ahensya si Mel Oragon, ang tinutukoy na umano’y pasimuno sa naganap na Senate shooting noong Miyerkules ng gabi, Mayo 13.
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Mayo 14, base raw ang impormasyong ito sa validation na ginawa nila patungkol kay Oragon.
“Well, sa ngayon po, when vinalidate po namin ‘yon pong aming records ng amin pong mga ahente at mga employees, siya po ay hindi po opisyal na empleyado ng NBI,” ani Matibag.
Aniya, “Ngunit noong akin pong…nagkaroon na po ako ng sariling imbestigasyon, lumalabas po na siya ay parang volunteer—kasama po noong mga ahente po ‘no.”
Sinagot din niya ang tanong hinggil sa direktiba sa paghawak ng baril sa gitna ng mga operasyon.
“Doon po sa katanungan kung allowed humawak ng baril, ‘yon po kasi ‘yong nakita na naglalakad pinahawak pero ‘yong actual naman po na pangyayari, wala naman po siyang access po doon sa baril na hawak-hawak po niya,” saad ni Matibag.
Siwalat pa ng direktor, kasama ng NBI si Oragon bilang driver nito.
“As a driver po noong grupo po, ‘yon po ‘yong report sa akin ng mga NBI but officially, he’s not member or employee po ng National Bureau of Investigation,” anang direktor.
Paglilinaw ni Matibag, mayroon daw talagang mga volunteers ang ahensya na tinatawag na “force multipliers” pagdating sa mga operasyon.
Aniya, layon nitong solusyunan ang kakulangan sa mga tao.