November 05, 2024

Home SPORTS

Kikitain ng PBA Finals Game 1, mapupunta sa mga nasalanta ng bagyong Kristine

Kikitain ng PBA Finals Game 1, mapupunta sa mga nasalanta ng bagyong Kristine
Photo courtesy: One Sports/Facebook

Inanunsyo ng Philippine Basketball Association (PBA) ang nakaamba nilang donasyon para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine, sa pamamagitan ng game 1 ng PBA Finals.

Sa isinagawang press conference ng liga nitong Huwebes, Oktubre 24, 2024 para sa nalalapit na championship nito, sinabi nina PBA chairman Ricky Vargas at vice chairman Alfrancis Chua, na lahat umano ng kikitain ng game 1, ay laan nila bilang donasyon.

“Nag-usap kami ni commissioner, chairman , we decided 'yung Sunday's game, 'yung proceeds no'n lahat ido-donate namin. Lahat 'yon,” saad ni Chua.

Nakatakdang magsimula ang game 1 ng PBA finals sa darating ng Linggo, Oktubre 27, 2024 sa pagitan ng Talk N Text at Barangay Ginebra, na gaganapin sa Ynares Center, Antipolo, Rizal.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Nanawagan din si Chua na tulungan pa raw ang mga nasalanta ng bagyong Kristine, na giit niya ay wala raw matirhan at makain.

“Nandito tayo, preparing for Sunday's game. And them, they're there preparing kung may matitirhan sila or makakain pa. Ipagdasal natin sila. Kung sino pang gustong tumulong, nananawagan po ako na tulungan natin ang ating mga kapatid,” ani Chua.

Ikinagalak naman ni PBA Commissioner Willie Marcial, na nanunumbalik na raw ang PBA fans na dumugin ang liga sa bawat arena, matapos daw ang nakaraang PBA semi-finals.

“Talagang inaasahan natin ‘yun, so sana magdire-diretso na patuloy tayong tangkilikin,” saad ni Marcial sa isang panayam sa local media, nitong Miyerkules, Oktubre 23, 2024.

Samantala, ang Alagang Kapatid Foundation ng TV5 naman ang napili ng liga na gawing katuwang sa naturang donasyon mula sa game 1 ng PBA Finals.

Kate Garcia