October 20, 2024

Home BALITA National

SP Chiz kay VP Sara: ‘Sana mas maging maingat sa mga salitang bibitawan’

SP Chiz kay VP Sara: ‘Sana mas maging maingat sa mga salitang bibitawan’
SP Chiz Escudero at VP Sara Duterte (Facebook; Santi San Juan/MB)

Ipinahayag ni Senate President Chiz Escudero na sana raw ay maging maingat si Vice President Sara Duterte sa kaniyang mga bibitawang salita na napakikinggan lalo na ng mga bata.

“Sana maging mas mapanuri siya (VP Sara), at sana maging mas maingat sa mga salitang bibitiwan,” ani Escudero sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Oktubre 19.

“Bahagi marahil ang paglalabas ng sama ng loob sa buhay ng tao pero hindi siguro rason at lisensya ‘yun na buksan ang paggamit ng mga salita na napapakinggan ng bata man o matanda,” dagdag niya.

Sinabi ito ni Escudero matapos maglabas ng mga patutsada si Duterte sa isang press conference noong Biyernes, Oktubre 18, laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

National

Ex-Pres. Duterte, inimbitahan na ng House Quad Comm hinggil sa pagdinig sa drug war

Sa naturang press conference ay sinabi ng bise presidente na sinabihan umano niya si Senador Imee Marcos na itatapon niya ang katawan ng ama nilang si dating Pangulong Marcos Sr. sa WPS.

MAKI-BALITA: VP Sara, sinabihan si Sen. Imee na itatapon niya katawan ni Marcos Sr. sa West Philippine Sea

Tahasan ding sinabi ni Duterte na gusto niyang pugutan ng ulo si Marcos Jr. dahil daw sa napahiyang estudyante noong dumalo sila ng isang graduation ceremony. 

MAKI-BALITA: VP Sara, gustong pugutan ng ulo si PBBM dahil sa napahiyang estudyante

“They can drag me to hell. Pagdating nila ron ako pa rin ang presidente ng impiyerno,” saad pa ni Duterte matapos niyang banggiting hindi siya nagsisising tumakbo bilang bise presidente noong 2022 dahil mas mahirap umano siyang alisin ngayon sa puwesto kaysa kapag alkalde siya ng Davao City.

MAKI-BALITA: Sara Duterte, ‘di nagsisising tumakbo bilang VP: ‘Ngayon, 'di nila ako matanggal!’

Kaugnay nito, sinabi ni Escudero na “unbecoming” daw ang nasabing mga pahayag ni Duterte “lalo na sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa.”

MAKI-BALITA: ‘Unbecoming sa VP!’ SP Chiz, nag-react sa mga patutsada ni VP Sara kay PBBM