Tinawag ni dating Vice President Leni Robredo na “pagbibigay-respeto sa posisyon” ang naging pagsalubong niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa inagurasyon ng Sorsogon Sports Arena nitong Huwebes, Oktubre 17.
Matatandaang naging usap-usapan nitong Huwebes ang naging pagkikita at pagkamayan nina Marcos at Robredo sa naturang inagurasyon, kung saan sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez, inimbitahan ni Senate President Chiz Escudero ang dating bise presidente para katawanin ang Bicol sa pag-welcome sa pangulo.
MAKI-BALITA: PBBM at ex-VP Leni, nagkamayan sa inagurasyon ng Sorsogon Sports Arena
Kaugnay nito, sa panayam ng DZRH News nitong Biyernes, Oktubre 18, sinabi ni Robredo na wala namang isyu sa kaniya ang pag-imbita ni Escudero na dumalo sa inagurasyon at hintayin si Marcos.
“Sa akin hindi naman isyu ‘yun. In fact, para sa akin, nagbibigay respeto ka sa posisyon,” ani Robredo.
“So walang pag-aatubili ‘yung pag-oo ko kay Sen. Chiz kung pwede ako sumama sa kaniya pagsalubong. And tingin ko tama lang naman lalo pa't bisita natin sa Bicol region,” saad pa niya.
Samantala, sa kaniyang talumpati nito ring Biyernes ay pinasalamatan ni Marcos si Escudero na naging dahilan kaya’t nakasama niya sa maikling panahon si Robredo.
"Senate President Chiz Escudero, who has taken a very important step towards political reconciliation yesterday, well done,” pagbati ni Marcos kay Escudero.
“I’m so happy you did that," dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: PBBM, masayang nakasama si ex-VP Leni: ‘A step towards political reconciliation’
Matatandaang naging magkalaban sa politika sina Marcos at Robredo mula pa noong 2016. Nanalo si Robredo sa pagka-bise presidente noong 2016, habang nanalo naman si Marcos sa pagkapangulo noong 2022 elections.