Patuloy pa rin ang epekto ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Oktubre 15.
Sa tala ng PAGASA dakong 4:00 ng umaga, malaki ang tsansang magdudulot ang easterlies ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Isabela, Aurora, at Quezon.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ding magdudulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon, at Eastern Visayas.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na may tsansa ng isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Maaari ring magdala ng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o laban sa Philippine area of responsibility (PAR).