Hindi raw kailanman nagkaroon ng interes sa politika ang award-winning actor na si John Arcilla kahit ang ama niya ay minsang kumandidatong mayor sa kanilang bayan.
Sa latest episode ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Bernadette Sembrano nitong Sabado, Oktubre 13, sinabi ni John na mas kritiko raw siya ng politika.
“Never akong nagkainteres sa politics na sasali. Mas kritiko ako ng politika kaysa sasali. Kasi bata pa ako nakita ko na ‘yong sistema,” lahad ni John.
“Nakita ko lang siguro ‘yong sistema kaya hindi ako na-attract na pumasok sa politika.
Kaya naman tila mas nagtuon na lang ang award-winning actor sa kaniyang sariling foundation para makapagbigay ng tulong.
“Right now, mayro’n na akong sariling foundation. CAPABLE Foundation. It is an acronym for Care and Protect Life on Earth Foundation,” wika niya.
Dagdag pa ni John: “Ang program ko kasi ‘yong sa mga parents, fitness program. Sa mga dogs, before nag-aadopt kami ng mga dogs. And then ‘yong Sining Kalikasan e nagbibigay ako ng workshop sa mga bata ng libre.”
Ayon sa aktor, sinimulan niya raw ang kaniyang foundation noon pang 2008 dahil napagod na raw siyang mag-protesta kaya mas pinili na lamang niyang gumawa ng sariling paraan upang makatulong pa rin kahit papaano sa mga underprivileged.