October 11, 2024

Home BALITA National

Dela Rosa sa paratang ni Espinosa: 'Suntukin ko siya sa mukha'

Dela Rosa sa paratang ni Espinosa: 'Suntukin ko siya sa mukha'
Senator Ronald "Bato" Dela Rosa (Facebook), Kerwin Espinosa (House of Representatives/YT)

"Kapag nakita ko siya, suntukin ko siya sa mukha."

Ito ang sinabi ni dating PNP chief at ngayo'y Senador Ronald "Bato" Dela Rosa matapos ang rebelasyon ng umano'y drug lord na si Rolan "Kerwin" Espinosa na inutusan umano siya Dela Rosa na idawit umano si dating Senador Leila de Lima sa illegal droga.

Sa pagdinig ng House quad committee nitong Biyernes, Oktubre 11, isiniwalat ni Espinosa kung paano siya inutusan ni Dela Rosa na idawit si De Lima maging ang businessman na si Peter Lim.

BASAHIN: Kerwin Espinosa, inutusan umano ni Dela Rosa na idiin si De Lima sa illegal drug trade

National

Rep. Abante, binalaan si Harry Roque: ‘Justice will catch up to you!’

"Sobrang sinungaling siya," pahayag ni Dela Rosa nang matanong tungkol sa rebelasyon ni Espinosa, ayon sa ulat din ng Manila Bulletin. 

"Kung makapagsalita siya, akala mo kung sino siyang malinis. Bakit siya maggagawa-gawa ng istorya? Samantalang noon ang bait niya nung nasa kustodiya namin tapos ngayon kung ano ano pinagsasabi," dagdag pa niya.

Pahayag pa ni Dela Rosa, isang beses lang umano niya nakausap si Espinosa nang tanungin niya ito tungkol kay Lieutenant Colonel Jovie Espenido at matapos nito ay hindi na raw niya kinausap ito.

Sa kabila ng akusasyon, hindi raw dadalo si Dela Rosa sa pagdinig ng House Quad Committee. 

"In the first place he's a drug lord. Granting that his cases were dismissed, still, he remains to be a drug lord," anang dating PNP chief.

"Alam na alam ng mga tao yan. Kahit nakakulong siya doon sa NBI gumagana pa rin ang droga doon sa Albuera kasi siya pa rin nagpapatakbo," dagdag pa niya.