November 09, 2024

Home BALITA Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara
Photo Courtesy: MJ Salcedo/Balita

“Clear po ang gusto ng Kabataan, gusto siyang matanggal sa kaniyang posisyon.”

Inihayag ni Kabataan Party-list first nominee Renee Co na itutulak at ieendorso nila ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa posisyon.

Sinabi ito ni Co nang usisain ng media matapos ihain ang kanilang certificate of nomination and acceptance (CONA) para sa 2025 midterm elections nitong Sabado, Oktubre 5, sa The Manila Hotel Tent City kasama si incumbent party-list Rep. Raoul Manuel.

“Patuloy at clear po ang boses ng Kabataan. Clear ang kanilang manifestation kung anong gusto nilang mangyari kay Sara Duterte. Gusto nila ng accountability. In the midst of patuloy na paggasta at pag-evade na pag-answer doon sa question ng public,” giit ni Co.

Eleksyon

Mula WPP: Apollo Quiboloy, nais nang tumakbong senador bilang ‘independent’

Binanggit din ni Co ang paghihintay umano ng publiko kay Duterte na magpaliwanag sa mga budget hearing ng Kongreso, ngunit  ang patuloy raw na hindi sinasagot ni Duterte ang kontrobersyal na ₱125 million confidential funds ng OVP noong 2022 na ginamit lamang daw sa loob ng 11 araw.

“Ano na ang reason kung bakit ₱100+ million funds ang ginamit in just 11 days. Patuloy na evasion of accountability, betrayal of public trust,” ani Co.

“Clear po ang gusto ng Kabataan, gusto siyang matanggal sa kaniyang posisyon,” dagdag niya.

Nang ipakumpirma kung ieendorso nila ang impeachment complaint laban sa bise presidente, sagot ni Co: “Categorically, yes po. Kabataan Party-list will be doing that, endorsing and also furthering this impeachment complaint.”

Matatandaang kamakailan lamang ay iginiit ni ACT Teachers party-list France Castro na “impeachable offense” umano ang maling paggamit ng pera ng bayan matapos maglabas ang Commission on Audit (COA) ng notice of disallowance ng ₱73 million sa ₱125-million na confidential fund ng opisina ni Duterte noong 2022.

Inihayag naman ni House Deputy Speaker at Quezon 2nd district Rep. David "Jay-jay" Suarez na "marami" umano sa kaniyang mga kasamahang kongresista ang gustong hilingin kay Duterte na "bumaba" sa puwesto kaugnay ng kaniyang mga aksyon sa nagpapatuloy na budget plenary debates.

BASAHIN: 'Maraming' kongresista, nais nang pababain si VP Sara sa puwesto -- Rep. Suarez

Samantala, nanindigan naman kamakailan si Duterte na hindi siya magbibitiw sa kaniyang posisyon.

BASAHIN: Para sa 32 milyon na bumoto sa kaniya: VP Sara, nanindigang hindi siya magre-resign